Pinaalalahanan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma ang mga kritiko ng P35 daily wage increase na maaari pang i-apela ang naturang wage hike.
Ayon kay Laguesma, mayroon pang hanggang July 11 ang mga kritiko upang umapela sa National Wages and Productivity Commission (NWPC).
Ito aniya ay nakatakda sa sinusunod na guidelines ng DOLE kung saan ang apela ay dapat ihain sa loob ng sampung araw mula noong inilabas/publication ng desisyon.
Maliban sa mga kritiko, maaari rin aniyang umapela ang isang indibidwal o anumang organisasyon at humirit ng dagdag sa inaprubahang wage increase.
Noong Lunes nang inaprubahan ng National Capital Region (NCR) Wage Board ang P35 na pagtaas sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Gayonpaman, umani ng batikos ang wage order at tinawag ito ng ibat ibang mga labor groups bilang kakarampot, nakakatawa, insulting, atbpa.
Samantala, magiging epektibo naman ang wage order sa July 17, 2024.