Naglaan na ang Department of Agriculture ng P350 million na magagamit sa pagbili ng mga bakuna kontra African swine fever (ASF).
Ito ay kasunod ng tuluyan nang pag-approba ng Food and Drug and Administration (FDA) sa pagbabakuna ng mga baboy sa ilalim ng ‘controlled vaccination’ o limitadong pagbabakuna.
Sa ilalim ng order ng FDA, ayon kay Agriculture Assistant Secretary and spokesman Arnel de Mesa, ang DA ang bibili ng mga bakuna sa pamamagitan ng Bureau of Animal Industry, isang unit ng naturang ahensiya.
Maaari aniyang pagsapit ng Setyembre ay available na ang bakuna, kasabay ng dalawang buwan na inaasahang aabutin ng procurement process.
Sa kabila nito, nilinaw naman ng opisyal na ang mga bakuna ay hindi pa sasailalim sa commercial distribution bagkus ay limitado pa lamang muna.
Sa kasalukuyan, maraming mga probinsya pa rin sa Pilipinas ang hindi pa nalilinis mula sa naunang epekto ng ASF mula nang manalasa ang nakamamatay na sakit ng mga baboy.
Mula 2019 kung kailan unang natukoy ang presensiya ng ASF sa mga baboyan sa Pilipnias, tinatayang umaabot na sa limang milyong mga baboy ang pinatay upang maiwasan ang lalo pang pagkalat ng virus.