Nagpaliwanag ang Office of Civil Defense (OCD) matapos kwestyunin ng Commission on Audit (COA) hinggil sa paggastos ng tanggapan sa higit P36-milyon na donated funds para sa mga biktima ng Marawi seige.
Ayon kay OCD administrator Ricardo Jalad, inuna muna nilang gastusin ang pera sa Quick Response Fund para sagutin ang funeral assistance, transportasyon at pagkain ng mga residenteng biktima.
Bukod dito, ginamit din daw ito ng tanggapan para sa pagbili ng mga tent at reconstruction ng mga nasirang paaralan.
Mula 2018, nasa higit P5-bilyon na raw ang nagagastos ng OCD sa ilalim ng Marawi Rehabilitation and Reconstruction Program.
Kaugnay nito, tiniyak ni Jalad na hindi nawawala kundi naka-standby lang para sa malalaking proyekto sa Marawi ang donated funds.
“We would like to assure the public that the funds for the victims of the Marawi siege in the amount of P36.91 million from various donors still with the OCD and are not missing,” ani Jalad.
“The said P5.1 billion was used for different Projects, Programs and Activities (PPAs) such as business and livelihood assistance, housing, land resource management, reconstruction, and health and social services,” dagdag ng opisyal.
Batay sa report ng COA, lumabas na P10,000 lang ang nagastos ng tanggapan mula sa P36.92-milyong halaga ng pondo mula sa mga nalikom na donasyon.
Ilang biktima rin daw ang nahihirapan na mag-avail ng kanilang benepisyo gaya ng financial assistance dahil sa iba’t-ibang dokumento na hinihingi umano ng mga opisyal.
Ikinabahala ito ng state auditors dahil isang taon lang ang palugit para sa mga biktima para makuha ang kanilang calamity claims.