Kinumpirma ni outgoing PNP chief Dir. Gen. Ronald Dela Rosa at ng pamunuan ng PNP-SAF na nagsauli ng P37 million ang dati nilang budget officer na si S/Supt. Andre Dizon.
Ayon kay Dela Rosa dalawang beses na nagsauli ng pera si Dizon.
Sa panayam naman kay PNP-SAF chief, Director Noli Taliño sinabi nito na noong April 12 ay nagsauli ng P10 milyon si Dizon at nasundan pa ito ng P27 million noong April 16 na itinurn over sa kanilang kasalukuyang budget officer.
Naniniwala si Taliño na ang nasabing pera ay bahagi ng halagang sinasabing nawawalang allowances ng mga SAF trooper na hindi natanggap sa loob ng dalawang taon.
Sa ngayon ay sinimulan na itong ipamahagi sa mga tauhan ng SAF.
Hindi rin matukoy ni Taliño kung magkaano talaga ang nawawalang pondo.
Batay naman sa kasong inihain sa Office of the Ombudsman ay nasa P59 million ang sinasabing nawawalang pondo para sa allowance ng mga tauhan ng PNP-SAF.
Tiniyak naman ng opisyal na magpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay sa kaso.
Pinaiimbestigahan na ni Dela Rosa sa Directorate for Comptrollership at PNP-IAS ang nasabing iskandalo.