Nasabat ang nagkakahalagang P37.1 million na smuggled dried kush o pure marijuana sa Manila International Container Port, ayon sa Bureau of Customs.
Dahil sa isinagawang physical examination at X-ray scanning, nadiskubre sa isang maliit na bagahe ang anim na kahon ng marijuana na may timbang na 30.9 kilos.
Ang naturang bagahe ay ininspeksiyon ng Customs Intelligence and Investigation Service – Manila International Container Port kasama ang iba pang ahensiya ng gobyerno.
Ayon kay Customs chief Bien Rubio, nakatatanggap na raw sila ng ulat na may posibleng shipment na naglalaman ng marijuana mula sa bansang Thailand.
Mahaharap daw ang mga consignee, sender, at recipient ng balikbayan boxes sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act at Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.