Inihayag ng Department of Agriculture (DA) na nakatakdang mamigay ang ahensya ng fuel subsidies sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng tumataas na presyo ng langis.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, nasa PHP3,000 ang halaga ng tulong na ibibigay sa bawat benepisyaryo na isa lamang aniyang one-time assistance.
Sa ngayon, inaayos na ang guidelines para sa pamamahagi ng fuel subsidy at inaasahang ilalabas na rin ang fuel assistance para sa mga mangingisda at sa magsasaka sa mga susunod na linggo.
Una rito, naglaan ang DA ng halos PHP1 bilyong halaga ng pondo para masakop ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa buong bansa.
May nakalaan din na PHP500 million para sa mga magsasaka na may-ari ng makinarya, at PHP500 million para sa mga mangingisda.
Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ay ang mga magsasaka na may mga makinarya na nakarehistro sa ilalim ng Registry System For Basic Sectors In Agriculture, gayundin ang mga mangingisda na ang boat tonnage ay hindi lalampas sa 3 metric tons.