Susubukan ng Kamara na aprubahan na ngayong araw ang 2020 proposed P4.1-trillion national budget.
Ayon ito kay House Appropriations Committee chairman Isidro Ungab matapos na sertipikahang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang pondo para sa susunod na taon.
Binigyang-diin ni Ungab na ang on-time approval ng 2020 budget ay mahalaga para mas mapalakas pa ang ekonomiya ng bansa.
Sa pamamagitan aniya ng pagsertipika ni Pangulong Duterte dito bilang urgent measure, sinabi ni Ungab na hindi na kakailanganin ang magkahiwalay na araw para ito aprubahan sa 2nd at 3rd reading.
Samantala, sinabi naman ni House Deputy Speaker Raneo Abu na ang pagpasa sa 2020 national budget ay kanilang commitment hindi lamang kay Pangulong Duterte, kundi maging sa mga Pilipino para gawing mas kumportable ang buhay ng mga ito.
Ang 2020 budget aniya ay magpapaangat sa buhay ng mga mahihirap na Pilipino at nagtitiyak din ng mataas at sustainable na economic growth performance.