-- Advertisements --
House Congress
House of Representatives

Inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang 2020 proposed P4.1-trillion national budget.

Sa naganap na botohan, 257 ang nag-yes, anim ang nag-no, habang wala naman ang nag-abstain para sa House Bill 4228 o ang General Appropriations Bill (GAB).

Una rito, tumayo sa plenaryo si House Senior Minority Leader Janette Garin para pangunahan ang Turno en Contra laabn sa 2020 budget.

Sa kanyang talumpati, iginiit ni Garin na sa kabila ng mabilis na budget process ay hindi naman aniya hinayaan ng minorya na masakripisyo ang kalidad nito.

Ayon kay Garin, hindi nila pinahintulutan na mapasama sa panukalang pondo ang aniya’y mga hindi epektibong mga programa at knee jerk political policies.

Subalit sa kabila nito, hindi pa rin masasabi aniya na perpekto na ang ipinasa nilang GAB sapagkat nabawasan ang pondo ng ilang ahensya ng pamahalaan para sa social services tulad ng Department of Health, Department of Education, Commission on Higher Education, at maging ang sa National Housing Authority.

Pinuna rin ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna party-list Rep. Carlos Isagani Zarate ang panukalang pondo sapagkat ito raw ay para lamang sa pagpatay at pagsikil sa karapatan ng mamamayan.

Ipinunto nito na 40 percent na pagtaas sa budget ng Defense na gagamitin lamang aniya sa pagpapaigting sa giyera kontra iligal na droga, anti-insurgency campaign, at paglabag sa karapatang pantao.

Habang buhos aniya ang pondo para sa “Kill, Kill, Kill” ay nagkaroon naman ayon kay Zarate ng matinding pagbawas sa social services na makikita sa patuloy na pagbaba ng pondo ng DOH mula noong 2016.

“Ang kailangan ng mamamayan ay pambansang badyet na nakabatay sa pangangailangan ng mamamayan at para sa lahatang panig na pag-unlad ng bansa. Hindi na nga tinutugunan ng panukalang badyet 2020 ang pangangailangan ng mamamayan sa edukasyon, kalusugan, at pabahay, pinalalaki pa nito ang pondo sa paniniktik, paglabag sa karapatang pantao at pamamaslang ng mga kritiko at mamamayang lumalaban. Habang dinadahas ang mamamayan ay binubusog ang mga dayuhan at lokal na pulitiko sa maluhong inprastraktura at pork barrel funds,” ani Zarate.

Samantala, tinukoy naman ni Minority Leader Bienvenido Abante na malinaw na mayroong ibang ahensya na at programa ng pamahalaan na mas deserving ng mas malaking pondo kaysa iba.

Isa na nga aniya rito ay ang pondo para pabahay na pinaglaanan ng P6.297 billion allocation para masolusyunan ang housing shortage sa bansa.

“The enormous demands of our government’s infrastructure program, Mr. Speaker, only highlights the need to cut unnecessary spending. This can be done by doing away with redundant and unnecessary agencies like the Governance Commission for GOCCs, or GCG––an extra layer in the bureaucracy that we do not need,” ani Abante.

Nangunguna ang edukasyon at infrastructure sa may pinakamalaking paglalaan ng panukalang 2020 National budget.

Sa nasabing halaga, P673B ang mapupunta sa DepEd kabilang ang para sa mga State Colleges and Universities, CHED at TESDA.

P534.3B ang para sa Department of Public Works and Hiways, ikatlo ang para sa Department of Interior and Local Government na may P238B, ikaapat ang Department of Social Welfare and Development na may pondong P195B, ikalima ang Department of National defense na may panukalang pondo na P189B.

Ika-anim sa may pinamalaking paglalaanan ng pondo sa susunod na taon ang Department of Health na P166.5B na sinundan ng Department of Transportation na P147B, pang walo ang Department of Agriculture na may P56.8B, ika-siyam ang sangay ng Hudikatura na may pondong P38B at pang sampu ang Department of Environment and Natural Resources na may nakalaang P26.4B.

Bago ang third and final reading pumasa sa 2nd reading ang panukala pero dahil sinertipikahan urgent ito ni Pangulong Duterte ay isinalang sa iisang araw ang pagbasa rito kaya ang 3-day rule ay isinantabi ng Mababang Kapulungan.

Inendorso ng liderato ng Kamara ang GAB sa Senado sakto isang buwan makaraang isinumite ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Expenditure Program (NEP) sa mababang kapulungan noong Agosto 20.

Ito ang ikatlong pagkakataon sa kasaysayan ng Kongreso na inaprubahan ng Kamara ang pambansang pondo para sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa iisang araw lamang matapos na sertipikahang urgent ito ng Pangulo.

Binigyan ng liderato ng Kamara ang mga kongresista ng hanggang Lunes, Setyembre 23, para makapagsumite ng kanilang individual amendments.

Ang mga amiyendang ito ay tatalakayin naman ng bubuuing small committees, na siyang tutukoy kung alin lamang ang maisasama sa pinal na bersyon ng panukala na isusumite sa Senado.