-- Advertisements --

Naratipikahan na ng Senado at Kamara ang P4.1 trillion 2020 national budget nitong hapon lamang.

Ito ay ilang oras lamang makaraang maaprubahan ang Bicameral Conference Committee Report ukol sa naturang pambansang pondo.

Naging sponsor si Senate committee on finance chairman Sen. Sonny Angara, bagay na mabilis namang nakalusot sa mga senador.

Magugunita na kaninang umaga, hindi dumalo si Sen. Panfilo Lacson sa paglagda ng bicam report.

Iginigiit kasi ni Lacson na may korapsyon ang naaprobahang 2020 national budget sa bicam.

Ayon kay Lacson, may mga inihabol na insertion ang House na hindi naka-itemized at mga lumped sum projects ng mga kongresista sa ilang lalawigan tulad ng Albay – P670-M, Cavite – P580-M, Sorsogon – P570-M, Batangas- P502-M, Bulacan – P440-M, Pangasinan – P420-M, Cebu – P410-M at iba pa.

Mayroon din aniyang naisingit na 117 flood control projects na nagkakahalaga ng P3.179 billion.