Nai-turn over na ng Bureau of Customs sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang higit 1,500 pagong na na-rescue ng mga otoridad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos matagpuan sa bagahe ng isang pasahero nitong Linggo.
Ayon kay NAIA district collector Carmelita Talusan, patuloy na inaalam ng mga opisyal ang pagkakakilanlan ng pasaherong may-ari ng bagahe at sakay ng Philippine Airlines flight PR-311 mula Hong Kong.
Batay sa ulat, naka-duct tape ang mga pagong at nakasilid sa box ng sapatos.
Tinakluban din umano ito ng mga pantalon at damit.
Kabilang sa mga na-rescue na uri ng pagong ay ang mga endangered na sulcata tortoise, redfoot tortoise, Hermann’s tortoise, Indian tortoise at Mata Mata turtle na nagkakahalaga umano lahat ng P4.5-milyon.
Sinabi ni Dr. Rogelio Demelletes ng DENR, posibleng maharap sa sintensyang pagkakakulong at multang P1-milyon ang mapapatunayang salarin sa insidente.
Sa ngayon bukod sa pagka-quarantine ng mga hayop ay target daw makipag-ugnayan ng gobyerno sa China para isauli ang na-rescueng mga pagong.