P4.5-T proposed 2021 budget lusot na sa House Committee on Appropriations; isasalang sa plenaryo ng Kamara sa susunod na linggo
Nakatakda nang isalang sa plenaryo ng Kamara sa susunod na linggo ang P4.5-trillion proposed 2021 national budget.
Sa Viber message na ipinadala sa Bombo Radyo, kinumpirma ni House Committee on Appropriations chairman Eric Yap na makalipas ang 15 araw na pagdinig ay inaprubahan na ng kanyang komite ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
Sinabi ni Yap na inaprubahan nila ang budget bill sa isinagawang executive meeting ng komite nitong Huwebes.
Ang pabukalang pondo para sa susunod na taon ay 9.9 percent na mas mataas kumpara sa P4.1-trillion budget ngayong 2020.
Nang isinumite niya ang 2021 National Expenditure Program noong nakaraang buwan, sinabi ni Budget Secretary Wendel Avisado, na ang budget sa susunod na taon ay gagamitin para ma-sustain ang COVID-19 response ng pamahalaan.
Sa mga kagawaran, ang education sector na binubuo ng Department of Education, State Universities and Colleges, the Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority ang makakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng budget, sa kabuuang halaga na P754.4 billion.
Sinusundan ito ng Department of Public Works and Highways follows na may alokasyon na P667.3 billion, ang Department of the Interior and Local Government sa halagang P246.1 billion, ang Department of National Defense na may P209.1 billion, at Department of Health sa halagang P203.1 billion.
Pasok din sa top 10 agencies na may mataas na budget allocation ang Department of Social Welfare and Development na may P171.2 billion, ang Department of Transportation sa halagang P143.6 billion, ang Department of Agriculture na may P66.4 billion, ang Judiciary sa halagang P43.5 billion, at ang Department of Labor and Employment na may P27.5 billion allocation.
Inaprubahan ng komite ang 2021 GAB kahit pa hindi tapos ang Presidential Communications Operations Office (PCOO) sa kanilang budget briefing.
Gayunman, lubos ang pasasalamat ni Yap sa kanyang mga kapwa kongresista, sa kabila ng ilang aberya sa mga nakalipas na linggo.
Pero hindi pa aniya tapos ang kanilang trabaho kaya naman umaapela pa rin ng kooperasyon sa kanyang mga kapwa mambabatas para matiyak na maipasa sa takdang petsa ang 2021 proposed national budget.