DAVAO CITY – Magbibigay ang City Government of Davao ng kabuuang P4.9 million na tulong pinansyal sa 12 Local Government Units na napabalitang nagdeklara ng state of calamity dahil sa masamang panahon na nakaapekto sa kani-kanilang mga lugar.
Ito ay alinsunod na sa inaaprubahang resolusyon ng 20th City council ng syudad.
Inaasahang makakatanggap ng P1 million ang probinsya ng Misamis Occidental; tig-P 500,000 naman sa Ozamis City sa Misamis Occidental, Gingoog City sa Misamis Oriental, at Dapitan City sa Zamboanga del Norte.
Makatatanggap rin ng tig-P300,000 ang mga munisipalidad ng Talisayan sa Misamis Oriental, Claver sa Surigao del Norte, San Miguel sa Surigao del Sur, Brooke’s Point sa Palawan, Polanco sa Zamboanga del Norte, Gigaquit sa Surigao del Norte; at Basey at Gandara sa Samar.
Manggagaling ang pinansyal na ayuda mula sa Quick Response Fund sa ilalim ng Calamity Fund ng lungsod.
Naging kaugalian na ng lokal na pamahalaan ng Davao City ang pamimigay ng tulong pinansyal lalo na sa mga lugar na nasa state of calamity bilang ayuda na rin sa mga mamamayan na pinadapa ng kalamidad.