Naglaan ang pamahalaan ng nasa P4 billion para sa pamamahagi ng fuel subsidies para sa sektor ng transportasyon at agrikultura ngayong taon.
Mas mataas ito kumpara sa inilaang P2.5 billion fuel subsidy sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act.
Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, alinsunod sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. magpapatuloy ang pamahalaan sa pagbibigay ng fuel subsidies sa ating mga kababayan lalo na ang mga nasa vulnerable sectors.
Saad pa ng DBM na angP3 billiom ay nakalaan bilang fuel vouchers para sa mga public utility vehicle (PUV), taxi, tricycle, ride-hailing, at delivery service drivers.
Habang ang P1 billion naman ay ipapamahagi bilang fuel subsidies sa mga magsasaka at mangingisda.
Magbebenipisyo dito ang nasa mahigit 312,000 miyembro sa nasabing sektor kung saan makakatanggap ng P3,000 ang bawat benepisyaryo.
Kukunin ang naturang pondo mula sa regular budgets ng Department of Transportation at ng Department of Agriculture sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).