CAGAYAN DE ORO CITY – Aabot sa P4-milyon ang naitalang danyos sa pagkasunog ng dalawang palapag na munisipyo ng bayan ng Sugbongcogon, Misamis Oriental.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Misamis Oriental Provincial Fire Marshall F/Supt. Greg El Bambo na batay sa kanilang imbestigasyon nagsimula ang apoy sa bodega ng munisipyo kung saan nakatambak ang suplay ng mga pintura at kable.
Mabilis umanong sumiklab ang apoy kung saan umabot pa ito sa ikatlong alarma.
Inamin rin ni El Bambo na hindi nakaresponde ang sariling firetruck ng bayan dahil nasira ang clutching system nito.
Ito rin aniya ang dahilan kung kaya’t nagmula pa sa kalapit na bayan ang nagrespondeng mga firetrucks.
Sinisiyasat pa ngayon ng mga fire investigator ang pinagmulan ng apoy.
Samantala, nagpapasalamat naman si Sugbongcogon Mayor Mildred Lagbas Mondigo na walang mga taong nasawi o nasugatan sa sakuna.
Sa ngayon, temporaryong ginawang opisina ng mga opisyal at kawani ng bayan ang kanilang municipal gym.