BAGUIO CITY – Binunot at sinira ng mga otoridad ang aabot sa P4 million na halaga ng mga fully-grown marijuana plants sa dalawang araw na marijuana eradication operation ng mga ito sa Proper Tacadang, Kibungan, Benguet kamakalawa.
Ayon sa Police Regional Office-Cordillera, nadiskubre ang 815 na piraso ng fully grown marijuana plants sa limang plantation sites na may lawak na 300 square meters.
Natagpuan din ang 30 kilo ng dried marijuana na nakatago sa magkaibang lugar.
Isinagawa ang nasabing operasyon ng Kibungan Municipal Police Station, Benguet Provincial Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency-Cordillera.
Bahagi ito ng oplan ng Kibungan PNP para malinisan ang kanilang bayan mula sa marijuana.
Ipinangako naman ng Cordillera PNP ang patuloy na paghahanap nila sa mga taniman ng marijuana sa rehiyon para masira ang mga ito at mahinto ang pagdami ng mga krimen na resulta ng paggamit ng iligal na halaman.