CAGAYAN DE ORO CITY – Nasa kustodiya na ngayon ng Bureau of Customs (BoC-10) ang halos P4-milyong halaga ng pekeng mga sigarilyo na umano’y nagmula sa Zamboanga del Sur na ipupuslit sana sa Lanao del Sur.
Una rito, naharang ng pinag-isang operasyon ng BoC Police at Lanao del Sur Provincial Police Office ang kahon-kahong mga pekeng sigarilyo sa quarantine checkpoint ng Barangay Pawak, Saguiaran sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni BoC-10 spokesperson Angelo Andrade na hinanapan ng mga otoridad ng quarantine pass at medical certificate ang driver ng wing van at dalawang kasamahan nito subalit wala itong naipakita kaya agad nilang pinagdududahan kung ano ang kanilang pakay sa pagpasok sa Lanao del Sur.
Tumambad sa mga otoridad ang halos 3,500 reams ng sari-saring mga sigarilyo na walang kaukulang mga permit o kaya’y stamps na mula sa Bureau of Internal Revenue.
Natuklasan na binayaran umano ang mga suspek na sina Reyson Tolla, Michael Chrysler John Gonzaga at Owen Lestojas na kapwa taga-Cagayan de Oro City para ipalusot ang nasabing kontrabando.
Una nang tinakpan ng junk food packs ang mga karton ng mga sigarilyo upang hindi sana mahuli.
Kakaharapin ng mga suspek at maging may-ari ng kontrabando ang paglabag sa quarantine protocols at Customs Modernization and Tariff Act sa piskalya ng Lanao del Sur.