Aabot sa P4 Million halaga ng hindi otorisadong COVID-19 Rapid test kit ang nasabat ng mga tauhan ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Barangay Don Bosco, Parañaque City.
Ito ay resulta sa pinalakas na operasyon ng CIDG laban sa iligal na pagbebenta ng mga COVID 19 test kits.
Kinilala ni PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar ang naarestong tatlong indibidwal na sina Ace Dimapilis, Charisse Purino at Aldin Bacaran.
Sinabi ni Eleazar, nakatanggap sila ng ulat na nagbebenta online ang mga suspek para makakuha ng mga kustomer gamit ang illegal na website.
Dahil dito, rumesponde sila at nagkasa ng entrapment operation kamakalawa.
Nagpanggap na buyer ang kanilang mga pulis at nang maganap na ang transaksyon ay saka sila inaresto.
Walang permit ang mga nagbabenta, sila ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9711 o Food and Drug Administration Act of 2009.
Sa kabilang dako, una ng sinabi ni MGen. Ferro na mahigpit din nila tinututukan at mino-monitor ang pagkalat ng mga pekeng Covid-19 vaccine ng Pfizer dito sa Pilipinas na unang namonitor sa bansang Mexico.