Makakabili na ng murang bigas na P40 kada kilo sa mas marami pang merkado maging sa mga istasyon ng tren.
Ito ay parte ng pinalawig pa na Rice-for-All program ng Department of Agriculture (DA).
Ang 9 na bagong lokasyon kung saan mabibili ang murang bigas ay sa public markets sa
Maypajo (Caloocan), Murphy and Cloverleaf Balintawak (Quezon City), La Huerta (Parañaque), at Trabajo (Sampaloc, Manila). Available na rin ito sa mga istasyon ng tren sa Cubao (LRT-2), Recto (LRT-2), North Avenue (MRT-3), at Ayala Avenue (MRT-3).
Ayon sa ahensiya, ibebenta ang murang well-milled rice sa halagang P40 kada kilo sa mga Kadiwa ng Pangulo kiosk bilang parte ng inisyatibo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng abot kayang bigas.
Kaugnay nito, pinangunahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pag-rolyo ng Kadiwa ng Pangulo kiosk sa Pasay City Public Market ngayong araw ng Biyernes.
Samantala, sa darating na mga linggo, magkakaroon ng karagdagan pang KADIWA kiosk sa mga siyudad at munisipalidad.