CAGAYAN DE ORO CITY – Naharang ng Bureau of Customs (BoC) ang panibagong imported smuggled cigarettes nang dumaong ang barko sa Mindanao Container Terminal (MCT) sa Tagoloan,Misamis Oriental.
Ito ay matapos tinangka ng mga sindikato na makalusot ang nabanggit na mga kontrabando na nagmula sa China upang ipakalat sa ibang bahagi ng bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni MCT collector John Simon na naharang ng kanilang BoC’s Intelligence and Investigation Services ang nagkahalaga ng P40 milyon na smuggled cigarettes na nagmula sa ibang bansa.
Inihayag ni Simon na napadali ang pagtunton ng mga kontrabando dahil sa code-name Project Crocodile sa pamamagitan ng global database information kung saan halos lahat ng mga bansa ay mayroong access para rito.
Maguguunitang dumating ang mga kontrabando sa daungan ng MCT noong Setyembre 18 nitong taon.
Kung maalala,winasak rin ng Customs ang nasa 20 milyong piso na smuggled cigarettes na nagmula sa China at India nang ipinuslit ng mga sindikato papasok sa Misamis Oriental noong nakaraang mga buwan nitong taon lamang.