Nasa kabuuang P40-million pesos ang halaga ng tulong na ipinamahagi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa probinsya ng Batanes na naapektuhan ng bagyong Julian.
Sinabi ni Pang Marcos nasa P15 million ang unang ipinamahagi na mula kay House Speaker Martin Romualdez habang galing naman sa Office of the President (OP) ang P25 million pesos.
Aniya, maliban pa ito sa tig-sampung libong pisong cash ayuda para sa bawat household o pamilya.
Ayon sa Pangulo, namahagi rin aniya ng libu-libong family food packs ang pamahalaan na naisagawa na bago pa man tumama ang bagyo.
Sa naunang 14,000 food packs aniya, sinabi ng Chief Executive na naipamigay na ang 7,000 habang may darating pang karagdagang 14,000 food packs na aniya’y second round ng ayuda para sa mga apektadong residente.
Kasabay nito, lubos naman ang pasasalamat ni Batanes Governor Marilou Cayco kay Pangulong Marcos sa pagmamahal at malasakit nito sa mga mamamayan ng Batanes.
“Kaya’t kami’y nandito para matignan kung ano ba talaga ‘yung inyong mga pangangailangan. At mabuti na lang at bago dumating ‘yung bagyo ay nakapagdala na kami ng libo-libo na food pack. Kaya’t noong pagdaan nung bagyo nakapag-distribute kaagad,” pahayag ni President Marcos.