LA UNION – Umaabot na sa humigit kumulang P400 million ang halagang napinsala sa mga panamin, nasawing alagang hayop at mga nasirang mga ari-arian dahil sa pananalasa ng bagyong Ineng sa Ilocos region sa mga nakalipas na araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Office of Civil Defense Regional Center-1 information officer Mark Masudog, sinabi nito na P128 million ang naitalang initial damage sa agrikultura at mahigit P263 milyon naman ang nasira sa infrastructure sa buong Ilocos region.
Pinakamalaking halaga ang nawala sa lalawigan ng Ilocos Norte na labis na sinalanta ng bagyo.
Ayon kay Masudog, mas pinapaigting pa nila ang koordinasyon sa mga lahat ng mga kawani ng Regional Disaster Risk Management Council para sa ibibigay na ayuda lalo na sa mga nasalanta ng bagyo sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Sa ngayon aniya ay humupa na rin ang tubig-baha at nagsiuwian na sa kanilang mga tahanan ang mga residenteng nagsilikas na pansamantalang nanatili sa mga evacuation center sa nabanggit na lalawigan.
Patuloy din ang pagbibigay ng tulong ng Department of Social Welfare and Development sa mga kababayan na malubhang naapektuhan ng sama ng panahon sa iba’t ibang lugar sa Ilocos region.