Umaapela ang grupong Malusog at Matalinong Bata Coalition na mabigyan ng dagdag na insentibong pangkalusugan ang mga buntis na ginang.
Ito ay upang masuportahan ang mga sanggol sa kanilang sinapupunan, kasama na ang mga batang kapapanganak hanggang sa edad dalawang taon.
Ginawa ng grupo ang panawagan dahil sa umano’y isyu ng pagkabansot kung saan 1 mula sa tatlong batang Pilipino ay nababansot o hindi tumatangkad.
Ayon sa co-convenor ng grupo na si Lyonel Tanganco, hinihiling nila sa pamahalaan na mabigyan ng dagdag na P400 na buwang insentibo ang mga buntis na ginang, o katumbas ng P13 kada araw.
Ang P13 kada araw na ito ay sapat umano para makabili ng isang itlog para sa nanay at sa kanyang sanggol.
Umaasa naman ang grupo na mabibigyan ang naturang kahilingan, lalo na at tuluy-tuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nabubuntis sa Pilipinas.