-- Advertisements --
image 418

Nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang milyon-milyong halaga ng smuggled na bigas na nakaimbak sa isang warehouse sa Zamboanga City.

Ito’y matapos isagawa ng ahensya ang kanilang operasyon at tumambad sa kanila ang 42,180 sacks ng smuggled na Alas Jasmine Fragrant Rice sa Brgy. San Jose Gusu sa nasabing lungsod.

Naging katuwang ng BOC ang sa naturang raid ang Coast Guard Intelligence Group-Southwestern Mindanao, Task Force Aduana, at Marine Battalion Landing Team 11.

Bitbit nila ang isang Letter of Authority na inisyu mismo ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio.

Batay sa report, nakatanggap umano ang kanilang ahensya ng tip na mayroong smuggled na mga bigas sa nasabing warehouse kayat kaagad silang nagsagawa ng operasyon.

Nagsumite naman ng mga dokumento ang nagpakilalang representative ng warehouse ngunit matapos na masuri ang mga ito ng awtoridad, lumalabas na hindi dumaan sa Sanitary and Phytosanitary Import Clearance mula sa Bureau of Plant Industry.

Ayon kay Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, ang ganitong operasyon ay bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na habulin ang mga hoarders at illegal importers ng bigas sa bansa.