Sinimulan ng ibenta ang mas murang bigas na mabibili sa presyong P43 kada kilo sa mga Kadiwa stores ng Department of Agriculture ngayong araw, Oktubre 11.
Ito ay mas mababa ng P2 kesa sa inisyal na ibinibentang P45 kada kilong bigas sa ilalim ng Rice for All Program.
Ang naturang program ay inilunsad sa Barangay Daang Bakal sa Mandaluyong City.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., natutuwa siya sa mainit na pagtanggap ng publiko sa programa ng pamahalaan. Nilinaw din ng kalihim na walang ilalabas na salapi ang ahensiya para i-subsidize ang bigas dahil ang aktwal na presyo mula sa mga magsasaka ay direktang ibinibenta sa mga mamimili. Iginiit pa ng DA chief na ang P43 kada kilo na bigas ay hindi budol at hindi malulugi ang gobyerno at Kadiwa dito.
Umaasa naman ang kalihim na magpapatuloy ang programa dahil mayroon pa aniyang sapat na suplay ng bigas na maibebenta hanggang sa Pebrero ng susunod na taon.
Samantala, bagamat walang limitasyon sa pagbili ng P43 kada kilong bigas, umapela ang kalihim sa publiko na bumili lamang ng sapat para sa consumption ng kanilang pamilya at huwag gawing negosyo.