-- Advertisements --

Nabayaran na ng Philippine Health Insurance Corporation ang mahigit P45 bilyon pesos na halaga ng claim ng mga partner nitong health facilities sa bansa noong nakaraang taon.

Ito’y sa kabila ng cyber attack na umatake sa system ng ahensya ilang buwan na ang nakararaan.

Sa isang press briefing, sinabi ng pangulo at CEO ng PhilHealth na si Emmanuel Ledesma Jr. na ang Philhealth  ay nagbayad ng kabuuang P45.1 bilyon sa mga partner nitong health facilities noong Disyembre 31, 2023.

Ang halaga ng claim na ito ay binayaran sa mga pribado at gobyernong mga ospital at health facilities mula Agosto hanggang Disyembre 2023 sa kabila ng insidente sa cybersecurity noong Setyembre.

Kung maaalala, noong Setyembre noong nakaraang taon, ang system ng PhilHealth ay inatake ng Medusa ransomware, kung saan ang mga hacker ay humihingi ng $300,000 na ransom para sa ninakaw nitong data.

Ang system ng ahensya, kabilang ang website nito, Health Care Institution at portal ng miyembro, at mga e-claim ay pansamantalang ipinatigil bilang bahagi ng kanilang hakbang pang seguridad.

Samantala ang web-based system ng state health insurer ay naibalik naman noong Nobyembre.

Sinabi rin ng PhilHealth chief na mas malakas na ngayon ang sistema ng ahensya.

Umapela rin ito sa mga partner health facility na magsumite ng magagandang claim at sumunod sa mga patakaran para maiwasan ang pagbabalik o pagtanggi ng mga claim.

Aniya, ang kanilang ahensya ay nakatali kasi sa mga panuntunan at audit regulation ng gobyerno.

Sa loob ng taong ito, sinabi ni Ledesma na ang PhilHealth ay nakatakdang maglunsad ng iba’t ibang module, tulad ng cloud-based application system deployment, online filing para sa mga claim sa motion for recommendation, at adjustment module.