Inihayag ng Samahang Industriya ng Agrikultura na suportado nito ang itinakdang rice price cap ng gobyerno.
Ayon sa naturang Agri Group, posible ang P45 per kilo na presyo ng bigas tuwing harvest season na magsisimula ngayong buwan ng Oktubre.
Ginawa ng Samahang Industriya ng Agrikultura ang pahayag sa pamamagitan ng kanilang presidente na si Rosendo So.
Paliwanag ni So, posible ang pagbaba sa presyo ng bigas kapag mababa ang presyo ng fertilizer.
Ang presyo nito ay umaabot sa P1,600 hanggang P2,700 kapag panahon ng pagtatanim tuwing Disyembre at Hunyo.
Samantala, nanawagan naman ang ilang grupo ng mga rice traders na suspendihin muna ang pagpapatupad ng naturang price cap sa bigas.
Ito upang maibenta muna nila ang kanilang mga natitirang stocks na nabili nila sa mataas na halaga.
Malaki raw ang magiging epekto nito sa lahat ng mga rice traders.
Kung maaalala, naglabas ng Executive Order si PBBM na nag uutos sa pagtatakda ng presyo sa bigas upang mapigilan ang pagtaas ng presyo nito sa mga merkado.
Nakatakda naman itong ipatupad ngayong araw.