Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency-7 ang pagsira at pagsunog sa P489.4 million pesos na halaga ng iligal na droga nitong Huwebes ng umaga, Nobyembre 14, sa isang thermal facility sa Junquera St. nitong lungsod ng Cebu.
Kabilang sa sinunog ay ang kabuuang 71.83 kilo ng shabu; 3.38 kilo ng marijuana; 47 ml ng nalbuphine hydrochloride; 55 tablets ng ecstasy, at 47 gramo ng ephedrine hydrochloride.
Ang mga piraso ng ebidensya ng droga ay naipon mula sa mga drug operations sa Bohol, Cebu province, Cebu City, Lapu-Lapu City, at Mandaue City.
Inihayag ni PDEA-7 Assistant Regional Director John Mark Malibiran na may nagbigay na ng pahintulot ang korte na sunugin ang iligal na droga matapos itong iharap bilang ebidensya sa mga kasong kinakaharap ng mga naaresto.
Tinawag naman ni Malibiran ang naturang destruction na “record breaking” dahil sa loob pa umano ng walong taon, ito ang pinakamarami na halos umabot ng kahalating bilyong piso ang halaga.
Pinasalamatan naman nito ang mga katuwang na ahensya sa kanilang walang patid na suporta laban sa iligal na droga gayundin sa pangakong ipagpatuloy ang pagpapaigting sa kanilang kampanya laban dito.