Pinangunahan ni Speaker Martin Romualdez ang paglulunsad ng isang bagong social amelioration program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes kung saan namahagi ng P5.28 bilyong halaga ng financial assistance sa may 1.32 milyong senior high school student at kanilang magulang para mabawasan ang bigat ng gastos sa pag-aaral.
Ayon kay Speaker Martin G. Romualdez ang Tulong Eskwela Program ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Marcos sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) na gumawa ng pagbabago sa sektor ng edukasyon gamit ang teknolohiya at modernisasyon.
Ang programa ay sabay-sabay na inilungsad sa 220 lugar sa lahat ng probinsya ng bansa nitong Biyernes. Ang bawat lugar ay mayroong 3,000 magulang ng senior high school student na pinili bilang benepisyaryo ng Ayuda para sa Kapos Ang Kita Program (AKAP) ng DSWD, at dagdag na 3,000 benepisyaryo na tutulungan naman sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng DOLE.
Ang 660,000 magulang ay bibigyan ng tig-P3,000 mula sa AKAP at tig-P5,000 naman ang 660,000 benepisyaryo ng TUPAD o kabuuang P5.28 bilyong halaga ng financial assistance. Ang pamamahagi ng tulong ay isasagawa mula Agosto 30 hanggang 31.
Ayon kay Speaker Romualdez ang Tulong Eskwela Program ay nagsisilbi rin umanong paghimok at suporta na mamuhunan sa mga estudyanteng Pilipino upang maabot ng mga ito ang kanilang pangarap.
“Simula pa lamang ito ng isang programang balak nating gawing pangmatagalan. Sa mga magulang ng ating mga senior high students, nawa’y maitawid natin sa tagumpay ang ating mga minamahal na anak. Kasama nyo ang pamahalaan sa pag-abot ng tagumpay,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.