-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Isang bloke na naman ng pinaniniwalaang cocaine ang natagpuan ng isang mangingisdang nakalutang sa kadagatan ng Brgy. Arlan, sa bayan ng Sta. Monica, Siargao Island, lalawigan ng Surigao del Norte.

Ang nasabing cocaine brick na ibinalot sa kulay itim na rubberized cellophane ay natagpuan ng mangingisda na nakalutang sa gilid ng kanyang bangka habang nasa laot na tinatayang may bigat na isang kilo.

Ayon kay Police Brig. Gen. Gilberto DC Cruz, Regional Director ng Police Regional Office Region 13 (PRO-13), ang pinakahuling nadiskubreng isang bloke ng cocaine ay nagkakahalaga ng P5.3 milyon.

Ang hindi pinangalanang mangingisda ay kaagad na dumaong sa Brgy. Rizal Fishing Port sa bayan ng Sta. Monica at isinuko ang cocaine brick sa Bantay Dagat Monitoring Center.

Nasa kustodiya ito ng Sta. Monica Municipal Police Station para sa documentation at tamang disposisyon.