Ipinagmalaki ng Department of Agriculture (DA) na bilyun-bilyong pisong halaga ng pananim ang naisalba ng mga magsasaka dahil sa maagaang weather advisories kaugnay ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Sa pahayag ng DA, mahigit 69,000 hectares ng palay ang nailigtas sa mga rehiyon ng Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon, at Calabarzon na may katumbas na mahigit 300,000 metric tons na nagkakahalaga ng mahigit P5.4-bilyon.
Sa mais naman, sinabi ng kagawaran na mahigit 1,000 ektarya ang nailigtas mula sa Ilocos Region, Cagayan Valley, at Central Luzon na may katumbas na halos 7,000 metric tons na nagkakahalaga ng P85.6-milyon.
Ayon sa DA, patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya, local government units, at iba pang mga tanggapan kaugnay sa epekto ng Bagyong Ulysses.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa mga ahensyang may kinalaman sa water management para sa monitoring ng baha at pagpapakawala ng tubig sa dam.
“Close monitoring for possible damage and losses that may be incurred in the agri-fisheries sector is also ongoing,” saad ng DA.
“As of today, no damage and losses in agri-fisheries have been reported yet,” dagdag nito.