Ipinababalik ng Commission on Audit (COA) ang P5.4-milyon halaga ng incentives na ipinamahagi ng Department of Health (DOH) regional office 5 sa mga empleyado nito noong 2013.
Batay sa desisyon ng COA na may petsang March 28, ibinasura ng state auditors ang petisyon ng DOH-region 5 na humihiling na i-review ang notice of disallowance na pinagtibay ng tanggapan noong 2015.
Ayon sa COA, lagpas na sa 180-day reglementary period ang pagpasa ng DOH-Bicol sa petisyon nito matapos nilang matanggap ang notice noong 2014.
Iginiit din nito na hindi na maaaring magbago ang desisyon sa ilalim ng 2009 Rules and Regulations on Settlements of Accounts.
“Petitioners’ neglect or omission to file an appeal for such a very long period of time warrants the presumption that they had either abandoned such right or had accepted the correctness of the assailed decision, which became final and executory,” ayon sa desisyong nilagdaan ni COA chairperson Michael Aguinaldo.
Nag-ugat ang desisyon ng COA matapos mabatid na ginamit ng DOH Bicol ang savings para sa trainings at seminar bilang incentive ng kanilang mga opisyal at empleyado.
Ito’y taliwas umano sa circular ng Department of Budget and Management na nagsabing manggagaling lang sa savings ng Maintenance and Other Operating Expenses ang incentives na maaaring ibigay sa mga government personnel.
“It is incumbent upon petitioner to comply with DBM BC Circular No. 2013-4, which excludes Training and Seminar Expenses for CY 2013 among the allowed fund sources for CNA Incentives.”