-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Abot hanggang P5,000 ang babayaran bilang multa kung sino man ang lalabag sa pinaplanong Anti- Dengue ordinance ng lokal na pamahalaan ng Kidapawan City.

Nakasaad sa Article VI Section 23 at 24 ng Proposed City ordinance number 19- 043 na pinaplanong ipasa na ng Sangguniang Panlungsod upang makatulong na mapababa ang patuloy na pagtaas ng dengue cases sa lungsod.

Ang planong ordinansa ay nakikitang pamamaraan ng City Government na himukin ang lahat ng sector na makipagtulungan sa Pamahalaan sa pagresolba sa kaso ng dengue.

Samantala, 235% ang itinaas nito kumpara sa kaparehong panahon noong taong 2018.

Ayon sa SP Committee on Health na siyang may-akda at nagsusulong sa City Anti Dengue Ordinance, ilan sa itinuturing na violation sa nabanggit na ordinansaay una ang pag-iimbak ng mga lumang gulong, baterya, plastic, bote o alin mang uri ng sisidlan ng tubig na pwedeng pamugaran ng mga lamok at kiti-kiti; pag-iimbak ng mga lalagyan na hindi natatakpan ng maayos lalo na sa mga vulcanizing at battery repair shops at hindi pagpayag ng mga nagmamay-ari ng mga bakanteng lote na pwedeng tirhan ng mga lamok na linisin ng mga kinauukulan o komunidad.

Pinagbabawal din ang hindi pagkilos ng mga itatatag na mga City Anti Dengue Brigades sa problema ng dengue at pagsira sa mga education at information materials kontra dengue na ipoposte sa mga barangay.

Target namang maipasa ang Anti-Dengue Ordinance bago matapos ang taong 2019.