ROXAS CITY – Magbibigay ng P5 million financial assistance si Bise Presidente Leni Robredo sa 1,877 na mga magsasaka na miyembro ng Panit-an Integrated Farmer’s Association sa kaniyang pagbisita sa lalawigan ng Capiz.
Gagamitin umano ito sa proyekto ng asosasyon kabilang na ang pagbili ng ilang kagamitan sa pagsasaka katulad ng four-wheel drive tractor, combine rice harvester at rice transplanter.
Maliban sa pinansiyal na tulong mula sa bise presidente ay magbibigay din ng P980,000 na counterpart ang lokal na gobyerno ng bayan ng Panit-an.
Nabatid na naging benepisyaryo ng bise presidente ang mga magsasaka sa naturang bayan dahil 60% umano sa mga ito ay mahihirap at labis na apektado ang kanilang sakahan ng mga pagbaha.
Nakatakdang personal na ibibigay ni Robredo ang naturang tulong sa mga magsasaka sa Barangay Balatucan, Panit-an.
Inaasahang bibisita rin si Robredo sa mga pasyente na benepisyaryo ng tatlong araw na libreng surgical mission ng World Surgical Foundation sa Roxas Memorial Provincial Hospital.