TUGUEGARAO CITY – Namahagi si Senador Bong Go ng P5 milyong financial assistance kasabay ng pagbubukas ng Malasakit Center sa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, ngayong araw.
Sa kanyang talumpati, nangako si Go na magbibigay pa siya ng karagdagang P5 milyon para sa programang Medical assistance for indigent patients sa naturang pagamutan.
Ayon kay Go, magisisilbing one-stop shop para sa mga nangangailangan ng tulong-medikal at pinansyal ang pinasinayaang Malasakit Center mula sa tanggapan ng PhilHealth, Philippine Charity Sweepstakes Office at Department of Social Welfare and Development.
Ang Malasakit Center ay naitatag sa pamamagitan ng kaniyang iniakdang malasakit center act na may layuning matulungan ang mga pasyente na hindi kayang bayaran ang gastusin sa ospital, matiyak ang zero balance billing at magtatag ng express lane para sa mga senior citizen.
Bukod dito, pinangunahan din ni Sen Go kasama si Presidential Adviser for the Visayas Sec. Michael Lloyd Dino ang pagbubukas ng free wifi access sa pagamutan.
Present din sa naturang aktibidad si Dr. Glenn Mathew Baggao, medical center chief ng CVMC, Cagayan Governor Manuel Mamba, Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, 3rd District of Cagayan Rep. Jojo Lara, Isabela Governor Rodito Albano at pinuno ng mga national agencies sa rehiyon.