LEGAZPI CITY – Nag-alok ng P5 million na pabuya ang Department of Agriculture (DA) sa mga siyentista sa Pilipinas na makakagawa ng bakuna upang mapigilan ang pagkalat pa ng African Swine Fever (ASF).
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, lugi na ang maraming hog raisers habang pumalo na rin sa higit kalahating milyon na mga baboy ang isinailalim sa depopulation sa backyard hog raising pa lang.
Aminado si Dar na mahirap ang paggawa ng bakuna laban sa nakamamatay na virus sa mga baboy lalo pa’t kagaya ng COVID-19, nagmu-mutate ito at may iba ring mga variants.
Hamon umano ito para sa mga siyentista at beterinaryo upang mahikayat ang talino at talento ng mga Pinoy.
Sa kabilang dako, tuloy naman ang komunikasyon ng ahensya sa counterparts sa United Kingdom na nagsasagawa rin ng pagdevelop ng bakuna laban sa ASF.
Sakaling makapaghanda na ng bakuna ang UK, huhugutin sa P1 billion Quick Response Fund (QRF) ng ahensya ang pambili nito at magre-request sa national government ng additional budget kung kulangin.