-- Advertisements --

Kinondena ni Cathy Estavillo ng consumer watchdog na Bantay Bigas ang pahayag ng Department of Agriculture na posibleng tataas ng hanggang P5 ang presyo ng bigas sa mga susunod na linggo.

Pinuna rin niya ang pagbibigay katuwiran pa ng DA sa dahilan ng muling pagtaas ng presyo ng bigas na dahil umano sa mababa ang buffer stock, mataas ang presyo sa farmgate bunsod ng dry season at ang pagtaas ng imported na bigas.

Sinabi ni Estavillo na pagpapakita lamang ito na inutil ang pamahalaan tugunan ang nasabing problema na ang higit na kawawa ay ang mga magsasaka.

Ayon sa kanya, dapat pa nga ay bumaba ang presyo ng bigas dahil anihan ngayon.

Sinabi pa niya na hindi rin nakakatulong ang pagbaha ng imported na bigas para mapababa ang presyo ng nasabing produkto.

Dahil dito, sinabi niya na ibasura ang Rice Tarrification Law dahil ito ang lalong nagpapahirap sa mga magsasaka.

Bukod dito, sinabi niya na dapat na suportahan ng pamahalaan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga subsidiya upang hindi nila tuluyang iwanan ang pagsasaka na makakaapekto sa hangarin ng bansa na food security.

Sinabi pa niya na kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng bigas, mas marami umanong mamamayang Filipino ang magugutom.

Ayon pa sa kanya, ito ay napakalayo sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na P20 na kada kilo ng bigas.