-- Advertisements --

LA UNION – Nag-alok ang pamilya Fabricante ng halagang P50,000 ang reward para sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para matunton ang nawawalang mangingisda na si Jefferson Fabricante alyas “Ip-ip”, buhay man o patay na.

Sa panayam ng Bombo Radyo La Union kay Marybel Fabricante ng Bani, Pangasinan, sinabi nito na tumutulong na rin ang ibang mangingisda sa paghahanap kay Jefferson, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa nakikita.

Ang nasabing reward ay galing mismo sa pamilya Fabricante at sa pangakong tulong ng isa nilang kaibigan mula China.

Samantala, ipinaliwanag ni Lt. Jaypee Abuan, spokesman ng Naval Forces Northern Luzon (NFNL), na itutuloy sana nila ang search operation sa nawawalang mangingisda ngunit ipinagpaliban nila ito dahil sa banta ng bagyong Ulysses.

Napag-alaman na pumalaot si Ip-Ip noong Nobyembre 2 kasama ang iba pang mangingisda, ngunit ito lamang ang hindi nakabalik sa sumunod na araw, Nobyembre 3.

Mahigit isang linggo na ang nakakaraan ngunit umaasa pa rin ang pamilya Fabricante na makikita nila ang katawan ni Jefferson.