KALIBO, Aklan – Nagpalabas na ng P50,000 na pabuya ang lokal na pamahalaan ng Libacao para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pumaslang sa kolektor ng isang micro-lending company noong Hulyo 26, 2019 sa Sitio Balisong, Brgy. Pampango, Libacao, Aklan.
Ayon kay Libacao Mayor Charito Navarosa, natukoy na ang dalawa sa apat na mga suspek na pawang residente umano sa nasabing lugar na itinuturong sangkot sa pagpatay kay John Rey Madera, 24, residente ng Brgy. Anabo, Lemery, Iloilo at kolektor ng ASA Philippine Foundation Micro Finance.
Tinambangan ito at binaril gamit ang isang home-made shotgun habang nakasakay ng kanyang motorsiklo na naging sanhi ng agarang kamatayan.
Nawawala ang knapsack ng biktima na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga at isang cellphone.
Samantala, hinikayat ni Mayor Navarosa ang mga mamamayan na makipagtulungan sa mga otoridad upang mahuli ang mga nakakalaya pang suspek.
Gayundin ang mga suspek na boluntaryo ng sumuko.
Sa kabilang daku, inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga pumatay kay Madera.