-- Advertisements --

DAVAO CITY – Inaprubahan ng 19th City Council ng Davao ang umabot sa P50 million bilang tulong pinansyal sa apat na mga barangay na naapektuhan ng grabeng pagbaha sa Davao City kagabi, samantalang ang isang milyong piso naman ay inilaan para sa Ilocos Norte na isinailalim din sa State of Calamity dahil sa bagyong Ineng.

Ang apat na mga barangay sa Davao na grabeng naapektohan ng malawakang mga pagbaha ay kinabibilangan ng Tugbok, Los Amigos, Wangan at Talomo.

Una nang napag-alaman na umabot sa 3,559 na mga pamilya o 17,795 ka tao ang apektado sa nasabing baha.

Nitong Huwebes ay isinagawa ang special session sa Davao 19th City Council at tinalakay ang mga tulong para sa mga binahang barangay at sa binagyong lugar ng Ilocos Norte.

Una nang isinailalim sa state of calamity ang mga apektadong mga barangay dahil sa naganap na flashflood kagabi dahil sa localized thunderstorm.

Ang nasabing financial assistance ay kukunin mula sa Quick Response Fund (QRF) mula sa Calamity Fund ng lungsod ng Davao nitong kasalukuyang taon.