LEGAZPI CITY – Aabutin umano ng P50.3 million ang inilaang halaga ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa mga magsasaka sa Bicol na nakakaramdam ng patuloy na epekto ng El Niño.
Inihayag ni PCIC Bicol acting Regional Manager Franky Armenia sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, na mayroon na ng 3,795 na magsasaka ang naghain ng ulat na makakatanggap ng naturang halaga ng insurance.
Nasa 304 na rin sa mga ito ang nabigyan na ng P2.7 million na kabuuang halaga ng tseke para sa lupang may sukat na 572 ektarya.
Ayon kay Armenia, humihiling ng ayuda ang 2,120 rice farmers, nasa 1,653 na nagtanim ng mais, at 22 high value crops farmers.
Tuloy-tuloy din aniya ang pagbisita ng kanilang mga tauhan sa field upang maberipika ang mga isinumiteng report sa tanggapan habang inaasahang aakyat pa ang naturang bilang.
Hinikayat naman ng opisyal ang mga nasa sektor ng pagsasaka at pangingisda na magpalista na rin sa PCIC upang makakuha ng libreng insurance na magagamit sakaling may mga hindi maiiwasang pinsala na dulot ng kalamidad.