CENTRAL MINDANAO – Magiging mas moderno at hindi na mapag iiwanan ng panahon ang mode of Learning para sa probinsya.
Ito ay dahil bibili na ng mga tablet computers ang provincial government para sa Department of Education North Cotabato (DepEd).
Nagpulong sina Governor Nancy Catamco at schools division Superintendent Isagani Dela Cruz, kasama ang mga kawani ng DepEd.
Ipinanukala ang inisyal na pagbili ng aabot sa 5,488 units ng tablet.
Napag-usapan na mas mura at makakatipid dahil ang P10,000 halaga ng bawat tablet ay mas maliit, kumpara sa P32,000 kada module para sa bawat mag-aaral, na syang inilaang pondo ng DepEd para sa isang taon.
Ang tablet ay inaasahang magagamit ng mga estudyante sa mas mahabang panahon at pasok sa inter-active learning na dapat matutunan ng kabataan.
Magiging bahagi rin ito ng kahandaan sa itatayong 116 Wi-Fi facilities sa mga paaralan sa buong probinsya.
Magkakaroon ng pulong sa susunod na linggo ang Provincial School Board para sa reprogramming ng P50M Special Education Fund (SEF) kaugnay rito.