BAGUIO CITY – Nakapagbenta ang Department of Agriculture (DA) – Cordillera ng mahigit P500,000 na halaga ng iba’t-ibang klase ng gulay sa ilalim ng Kadiwa on Wheels mula nang nag-umpisa ang programa noong Abril 3.
Isinagawa ang aktibidad sa iba’t-ibang barangay sa lunsod ng Baguio at lalawigan ng Benguet kung saan, ibinenta ang mga patatas, sayote, carrot at iba pang gulay.
Nakibahagi sa programa ang limang asosasyon at kooperatiba ng mga magsasaka sa lokalidad.
Ipinaliwanag ni Jerry Damoyan, Chief of the Agribusiness Marketing and Assistance Division ng DA-Cordillera na isinagawa ang Kadiwa on Wheels para matulungan ang mga magsasaka at para mapanatili ang sapat na suplay ng pagkain ngayong panahon ng krisis.
Sinabi niyang parehong nakinabang sa programa ang mga magsasaka at konsumer.
Isinabay ang Kadiwa on Wheels sa pagsasagawa ng Rolling Store Caravan sa Baguio City at Benguet.