-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nakaburol ngayon sa multi-purpose center sa San Mateo, Isabela ang bangkay ng pinaslang na si dating board member Napoleon “Nap” Hernandez para sa public viewing at necrological service na dinaluhan ni Vice Governor Faustino “Bojie” Dy III.

Emosyonal si Vice Governor Dy sa kanyang eulogy dahil malapit sa kanya at kanyang pamilya si Hernandez.

Inanunsiyo rin ng bise gobernador ang paglalaan ng P500,000 reward money para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon para madakip ang mga salarin at utak sa krimen.

Bukod kay Vice Gov. Dy ay nagbigay din ng eulogy si Mayor Gregorio Pua, ilan pang matataas na opisyal ng pamahalaang panlalawigan at mga malalapit kay dating Liga ng mga Barangay Federation President Nap Hernandez.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Bambi Corpuz, sinabi niya na isa siya sa mga natulungan ni Hernandez dahil kabilang siya sa unang batch ng mga nagtapos sa reflexology massage ng TESDA Region 2.

Ngayong araw ay ihahatid na sa huling hatungan ang bangkay ni Hernandez sa Public Cemetery sa Sinamar Sur, San Mateo, Isabela.

Dakong alas-8:00 ng umaga ay isasagawa ang burial mass sa Roman Catholic Church sa Barangay 1, San Mateo.