-- Advertisements --

Nakatakdang magpatupad ng fuel subsidy program ang Department of Agriculture (DA) para sa mga kababayan nating magsasaka at mangingisda.

Ayon kay DA Secretary William Dar, naglaan ng nasa P500 million ang pamahalaan para sa naturang programa na siyang papakinabangan ng libu-libong Pilipinong mga magsasaka at mangingisda sa buong bansa.

Layunin aniya ng programa na tulungang mabawasan ang gastusin ng mga nasabing indibidwal pagdating sa produksyon at transportasyon ng mga pangunahing produkto ng sakahan at pangisdaan.

Layon din nito na mapababa ang presyo ng mga naturang produkto sa merkado kung saan parehong producers at consumers ang maaaring makinabang dito.

Nakasaad sa Special Provision No. 20 ng General Appropriations Act for Fiscal Year 2022 o ang Republic Act (RA) 11639 na dapat gamitin ang inilaang pondo para sa fuel discount program upang magbigay ng diskwento sa gasolina sa mga magsasaka at mangingisda kung ang average na presyo ng krudo sa Dubai batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) sa loob ng tatlong buwan ay umabot o lumampas sa USD80 bawat bariles.

Alinsunod dito ay kinakailangan din na nagmamay-ari at nagpapatakbo ng isang makinarya sa agrikultura at pangisdaan individually o sa pamamagitan ng farmer organization, cooperative, o asosasyon ang mga benepisyaryong mangigisda at magsasaka.

Dapat din na makapagpakita ng proof of ownership ang isang indibidwal o organisasyon na nago-operate at nagmamay-ari ng makinaryang pangsakahan

Upang maging kwalipikado din sa nasabing programa ay kinakailangan na rehistrado sa Integrated Boat Registry System ang mga ginagamit na fishing vessels ng mga mangingisda.

Samantala, maglalabas naman ng fuel vouchers ang DA Regional Field Units at BFAR Regional Offices sa mga kwalipikadong mga beneficiaries upang makapag-claim ang mga dito ng fuel discount at gayundin ay awtorisado na ibawas ang isa at kalahating porsyento (1.5%) ng nasabing halaga para sa administratibo at iba pang mga gastos sa pagpapatakbo.

Sinabi naman ni DA Undersecretary for Operations Ariel Cayanan na kinakailangang makapagparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture ang mga benepisyaryong magsasaka habang sa fisherfolk registry system ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kinakailangan makapagparehistro ng mga benepisyaryong mangingisda.

Noong nakaraang linggo ay pinagpulungan na ng mga kinauukulan ang pagbuo ng mga implementing guidelines ng fuel discount program kabilang na ang prioritization criteria, amount of discount, voucher na ibibigay sa mga kwalipikadong benepisyaryo, at paglikha ng technical working group (TWG) na mangangasiwa sa paggawa at pagsasapinal ng mga alituntunin at pagpapatupad ng naturang programa.