Nasa kalahating bilyong piso ang halaga ng mga motor vehicle ang nadiskubre ng composite team ng Bureau of Customs-Manila International Container Port (BoC-MICP), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine Coast Guard (PCG) sa isinagawang inspeksiyon sa mga showroom sa Xavierville, Quezon City at San Simon, Pampanga na sinasabing pinag-imbakan ng mga smuggled luxury cars at iba pang motor vehicles.
Ang naturang mga smuggled luxury cars na sinasabing nagkakahalaga ng P500 million ay inilagay sa naturang mga bodega na siyang naging dahilan ng BoC na mag-isyu ng Letter of Authority (LOA) laban sa may-ari ng pasilidad.
Hawak naman ang LOA at Mission Order, agad hinalughog ng MICP Customs Intelligence and Investigation Service, NBI at PCG Task Force Aduana ang showroom na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga luxury cars gaya ng Lamborghini at Ferrari.
Maliban dito, nadiskubre rin ang mga motorsiklo partikular ang mga big bikes gaya ng Ducati.
Kasama rin dito ang ilang bulletproof sports utility vehicles, customized sports cars, trucks, boats at marami pang iba.
Ang lahat daw ng mga motor vehicles ay walang kaukulang importation documents.
Binigyan naman ng BoC ang nagmamay-ari ng showroom ng 15 araw para magpakita ng importation documents.
Sa oras na bigo itong magpakita ng naturang mga dokumento ay kukumpiskahin na ang mga motor vehicles na nakasaad sa Section 224 na may kaugnayan sa Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).