-- Advertisements --

Mamamahagi ng kabuuang P3-bilyong halaga ng tulong pinansyal ang Department of Agriculture (DA) sa mga magsasaka sa pamamagitan ng over-the-counter bank withdrawal.

Ayon kay Agriculture Sec. William Dar, pinabilisan na raw nila ang distribusyon ng P5,000 financial assistance sa mga rice farmers sa gitna na rin ng enhanced community quarantine (ECQ) sa buong Luzon.

Dati-rati raw kasi ay gumagamit ang mga small rice farmer-beneficiaries ng cash cards para makakuha ng financial aid.

Ngunit nagdulot ng sari-sariling limitasyon ang ECQ, dahilan para hindi makakuha ng financial subsidy ang mga benepisyaryo.

“Ang decision namin ay ipamimigay na itong ayuda sa hindi pa nakatanggap thru over-the-counter scheme,” wika ni Dar.

Para aniya sa mga benepisyaryong hindi pa nakatatanggap ng cash assistance, maaari raw silang makipagtransaksyon sa pamamagitan ng over-the-counter banking system ng Landbank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP).

Sinabi pa ng kalihim, nagbigay na raw sila ng validated na listahan ng mga beneficiaries sa DBP at Landbank kaya inaasahan nila na magiging maayos ang pamimigay ng cash assistance sa susunod na 12 araw.

Sa ilalim ng Financial Subsidy to Rice Farmers (FSRF) program, makatatanggap ng P5,000 cash grant ang mga magsasakang nagtatanim sa isang ektarya o mas mababang area na lupa.

Ang nasabing mga magsasaka ay nasa 24 probinsya na hindi sakop ng Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program.