-- Advertisements --

TUGUEGARAO CITY – Nasa kustodiya ng PNP sa Gonzaga, Cagayan ang isang frontliner at negosyante na nahuli dahil sa tangkang pagpupuslit ng mga alak nitong Miyerkules ng hapon.

Sinabi ni PMaj. Joefferson Gannaban ng PNP Gonzaga, bago mahuli sina Ernan Cariño, nursing aid at Jimmy Mangahas, negosyante ay tinakasan nila ang isang checkpoint habang binubusisi ng mga pulis ang kanilang sasakyan.

Nagkaroon ng habulan hanggang sa masakote ang mga ito sa isang barangay at dito umano ibinababa ang 20 kahon ng alak.

Bukod sa mga ibinababang alak ay nakuha sa sasakyan ng dalawa ang 26 kahon pa ng alak na sa kabuuan ay nagkakahalaga ng P50,000.

Ayon kay Gannaban, sinabi ng dalawa na galing umano sa isang groserya sa Tuguegarao City ang mga nasabing alak at dadalhin sana sa Sta. Ana.

Dahil dito, sinabi ni Gannaban na aalamin nila kung saang groserya binili ang mga nasabing alak upang ito ay mapatawan ng kaukulang parusa dahil sa umiiral na liquor ban.