Nakatakdang ipapabalik umano Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin ang tsekeng nagkakahalaga ng kalahating milyong pisong donasyon ni dating Foreign Affairs Sec. Albert Del Rosario para sa mga mangingisdang Pilipinong sakay ng bangkang binangga ng Chinese vessel sa Recto Bank na nasa West Philippine Sea.
Ang naturang tseke ay idinaan ni Del Rosario sa tanggapan ni Sec. Locsin para ito sana ang mamamahagi sa mga mangingisda.
Sinabi ni Sec. Locsin, kailangan nitong ibalik kay Del Rosario ang tseke kundi ay mapipilitan siyang ibigay ito sa National Treasury.
Ayon kay Sec. Locsin, hindi maaaring DFA ang mamahagi ng mga donasyon at hindi rin niya pwedeng i-turn-over sa ibang departamento dahil ito ay malversation.
Nilinaw naman ni Sec. Locsin na pinasasalamatan nito si Del Rosario pero kailangan lamang nitong ibalik sa kanya ang tseke.
Inihayag naman ni Del Rosario na maghahanap na lamang siya ng ibang makakatulong para maipamigay sa mga mangingisda kanyang donasyon.