Na-remit o naipadala na sa Bureau of Treasury ang P50 billion halaga ng kontribusyon ng government-owned bank na Landbank para sa state sovereign fund na Maharlika Investment Fund.
Sa ilalim kasi ng Republic Act No. 11954, mandato ng naturang government-owned bank na mag-remit ng nasabing halaga sa Maharlika Investment Corporation para sa sovereign wealth fund na una ng sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na idinisenyo para mapalago ang ekonomiya sa bansa.
Ayon kay Finance Secretary Benjamin Diokno, naisumite ang investment ng bangko noon pang huwebes, ito ay dalawang buwan mula nang lagdaan bilang ganap na batas ng Pangulo ang sovereign wealth fund at mahigit 2 buwan naman mula ng mag-isyu ng implementing rules and regulations ng batas ang state treasury.
Tiniyak naman ni Presidente at CEO ng bangko ng gobyerno na si Lynette Ortiz na mayroong sapat na safeguards ang batas para matiyak na ganap na mailalabas at transparent ang pamamahala ng pondo gayundin masiguro ang integridad at propesyunalismo ng management team na siyang mamumuno sa Maharlika Investment Corporation.