KALIBO, Aklan – Pinuna ng Commission on Audit (COA) ang nasa P51-milyong ginastos ng lokal na pamahalaan ng Malay para sa ECOS Sanitary Landfill and Waste Management Corp.
Batay sa Audit Observation Memorandum, kinuwestiyon ng COA ang “propriety, validity at correctness†ng transaksyon kaugnay sa inilabas na pondo para sa paghahakot ng basura, gayundin ang pamamahala at operasyon ng Eco-Tourism, Engineered Sanitary Landfill sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP).
Nagpalabas umano ang LGU-Malay ng tseke ng walong beses simula noong Nobyembre 26, 2018, isang buwan pagkatapos ipasara ang isla ng Boracay para sa paglilinis at rehabilitasyon.
Lumalabas ayon sa COA na mistulang nauna pang bayaran ang kompanya bago ang kanilang serbisyo kabaliktaran sa nakasaad sa Revised Rules and Regulations ng Republic Act No. 9184, kung saan dapat na ang pribadong sektor muna ang gumastos para sa operasyon at maintenance ng isang proyekto.
Samantala, patuloy na kinukuha ng Bombo Radyo Kalibo ang panig ng LGU-Malay ukol sa nasabing isyu.